• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

NPA Patay sa Masbate Bago ang SOMO

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Isang kasapi ng New People’s Army ang nasawi habang apat na mataas na kalibre ng armas ang narekober sa nangyaring    engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at mga teroristang NPA sa Barangay Obongon Diot, Baleno, Masbate, dakong alas 7:15 ng umaga, Desyembre 23.
Nangyari ang engkwentro ilang oras bago ang itinakdang pagpapatupad ng unilateral ceasefire ngayong alas 6:00 ng gabi, Desyembre 23.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng security operation sa lugar ang mga sundalo mula sa 2nd  Infantry Battalion nang makasagupa nito ang tinatayang 20 miyembro ng NPA kung saan umabot sa 45 minuto ang naging palitan ng putok ng magkabilang panig. Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang bangkay ng isang rebelde at ilang kagamitan na kinabibilangan ng dalawang M16 rifle, isang M14 rifle, isang M79, isang improvised explosive device (IED), ICOM radio, laptop, cellular phone, assorted ammunitions, mga personal na gamit, at subersibong dokumento.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang mga kasundaluhan sa mga awtoridad para sa pagkakalilanlan ng nasawing NPA at para sa kaukulang disposisyon sa mga labi nito. Kaagad rin nagsagawa ng pursuit operation ang mga sundalo laban sa mga nagsitakas na mga NPA.
Bagamat nakatakdang ipatupad ang unilateral ceasefire o SOMO laban sa CPP/NPA sinabi ng pamunuan ng 9th Infantry (SPEAR) Division na patuloy pa rin na magpapatupad ng  ilang security measures upang mabantayan ang anumang tangka o pananamantala ng mga teroristang NPA habang umiiral ang SOMO ng pamahalaan. Hinikayat din nito ang bawat mamayan na makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa mga aktibidad ng teroristang grupo upang masiguro ang kaayosan ng pagdiriwang ng kapaskuhan.
Ang SOMO ay nakatakdang ipatupad ngayong alas 6:00 ng gabi, Desyembre 23, hanggang alas 6:00 ng gabi ng Desyembre 26, 2017 at muling ipapatupad dakong alas 6:00 ng gabi ng Desyembre 30, 2017 hanggang alas 6:00 ng gabi ng Enero 2, 2018