• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

194 Dagdag pwersa sa Hukbong Katihan, Nagsipagtapos

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur – Ganap ng sundalo ang 194 Candidate Soldiers matapos ang isinagawang Graduation Ceremony ng Candidate Soldier Course Class 483-17 na ginanap sa General Lukban Grandstand ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army, alas 10:00 ng umaga, Enero 16.

Ang nasabing okasyon ay dinaluhan ni Mayor Pamela Rinah B. Fuentebella ng Bayan ng Tigaon, Camarines Sur bilang panauhing pandangal.

Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng pasasalamat ang naturang alkalde sa mga sundalo’t kawani ng 9ID sa patuloy nitong paglilingkod sa bayan at sa pagtataya ng sariling buhay laban sa mga masasamang elemento na nagnanais manggulo sa bayan. Aniya, malaki ang naiambag ng mga kasundaluhan sa panahon ng sakuna kung kaya’t isa umanong malaking hamon ang haharapin ng mga bagong sundalo sa pagharap nito sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Kaugnay ng seremonya, ginawaran din ng parangal ang ilan sa mga bagong sundalo dahil sa ipinakita nitong kahusayan sa kanilang pagsasanay. Ilan sa mga ito ay sina Pvt. Jaymil N. Oxales na ginawaran ng Academic Proficiency Award at Order of Bernardo Carpio Award bilang nanguna sa kanilang class sa larangan ng academics at physical fitness, si Pvt. Romar M. Dela Austria na tumangap ng Marksmanship Award na siyang nakapagtala ng pinakamataas na score sa Rifle Marksmanship Qualification Record Firing, at si Pvt. Michael E Rapsing nasiyang umani ng Leadership Award.

Kaalinsabay ng nasabing pagtatapos ay ang Ceremonial Entrustment of Firearms sa mga bagong sundalo. Ang nasabing seremonya ay simbolo at pagpapaalala sa bawat nagsipagtapos sa kaakibat na malaking responsibilidad sa paghawak ng sandata. Ang naturang mga bagong sundalo ay ipinasailalim sa mahigit apat na buwang pagsasanay upang maging disiplinado at responsableng miyembro ng Hukbong Katihan ng Pilipinas.

Nagpaabot naman ng pagbati si Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr. sa mga bagong sundalo sa kanilang matagumpay na pagtatapos kasabay ang pagbigay paalala na ang armas na tangan nila ay hindi simbolo ng kapangyarihan bagkos ito ay kaakibat ng kanilang sinumpaang tungkulin na layuning maglingkod sa bayan Kanya ring pinasalamatan ang mga magulang at mga mahal sa buhay ng mga nagtapos sa kanilang suporta upang mapagtagumpayan ng mga bagong sundalo ang kanilang training.