• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Task Force Sagip Binuo ng 9ID

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, San Jose Pili, Camarines Sur – Pormal nang binuo at inilunsad ng 9th Infantry (SPEAR) Division ang Task Force Sagip sa pamumuno ni Brig. Gen. Arnulfo C. Matanguihan, Assistant Division Commander ng 9ID matapos itaas sa alert level 4 ang nakaambang pagsabog ng Mayon Volcano, Enero 22.

Pangunahing layunin ng Task Force Sagip ay ang paglulunsad ng mga Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) Operations katuwang ang OCD-V, Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), at Local Government Units sa lalawigan ng Albay.

Matatandaan, nauna ng nagpadala ng tropa ang 9ID sa pamamagitan ng Task Group “Mayon” noong nagsisimula pa lamang magpakita ng mga indikasyon ang nasabing bulkan kung saan aktibong nakipagtulungan ang mga kasundaluhan sa mga isinagawang paunang paglikas, malawakang pagbabala, at pagbibigay seguridad sa mga apektadong komunidad.

Sa pagkakatatag ng Task Force Sagip, nagpadala ng karagdaagang puwersa at Disaster Operation Teams ang iba’t ibang yunit sa ilalim ng 9ID upang mas epektibo itong makatugon sa anumang situwasyon. Dahil dito, inaasahang mas mapapalawak ng 9ID ang pagsasagawa ng mga operasyong kaugnay sa HADR at pagpapaabot ng tulong sa ating mga kababayan.

Samantala, kaugnay ng pagdeklara ng awtoridad ng 8 kilometer permanent danger zone, patuloy pa rin ang isinasagawang panawagan ng 9ID sa mga apektadong residente na makipagtulungan upang maiwasan ang anumang kapahamakan. Sinabi rin ng pamunuan na nakahandang itong magbigay ng karagdagang puwersa kung kinakailangan upang makamit ang pangunahing layunin na “zero casualty” sa pagharap sa nasabing suliranin.

Kaugnay ng mga pangyayari, nagpaabot ng paalala si Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr. sa mga miyembro ng 9ID na maging alerto at mapagmatyag sa anumang posibleng hakbangin at pananamantala na pwedeng isagawa ng sinumang grupong gustong maghasik ng kaguluhan. Kasabay nito ang panawagan sa bawat mamamayan na ipagbigay alam sa mga awtoridad kung meron man itong maobserbahang kahinahinalang tao o bagay upang malapatan ng kaukulang aksyon. Sinabi rin ng heneral na nakasentro sa bawat isinasagawang hakbang ng 9ID ang seguridad at kapakanan ng mga apektadong sibilyan.