• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

9ID Kinondena ang “Nuisance” Harassment ng NPA

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur--- Muling nagsagawa ng walang habas na pagpapaputok ang mga miyembro ng teroristang grupong NPA sa Purok 4, Barangay Exciban, Labo, Camarines Norte dakong alas 6:20 ng hapon, Pebrero 24.

Ayon sa ulat na nakarating sa himpilan ng 9th Infantry (Spear) Division, isinagawa umano ng mga salarin ang “nuissance” harassment habang patungo ang Community Support Program (CSP) Team ng 9th Infantry (Sandigan) Battalion sa Purok 3 matapos itong magsagawa ng pulong pulong sa Purok 5 ng nasabing barangay.

Matatandaang noong ika-19 ng Pebrero naglunsad ng CSP ang 9IB kasama ang lokal na gobyerno sa piling barangay ng nasabing bayan upang epektibong matugunan ang mga pangunahing suliranin sa mga komuninad sa pamamagitan ng pagdala ng mga programa at serbisyo ng pamahalaan. Isa rin sa layunin ng CSP ay ang makapagbigay ng tamang impormasyon sa mga mamayan hinggil sa mga panglilinlang na isinasagawa ng teroristang grupo upang hikayatin ang mga tao na suportahan ang kanilang isinusulong na communist agenda.

Walang naiulat na nasaktan o nasugatan sa nasabing insendente habang agad namang nagsagawa nang pagtugis ang 9IB laban sa mga nagsitakas na mga terorista. 

Sa pahayag ng pamunuan ng 9ID, sinabi nitong hindi na bago ang ganitong desperadong aksyon ng mga NPA laban sa mga inilulunsad na CSP ng pamahalaan. Isa umano sa pangunahing dahilan kung bakit galit ang mga terorista ay dahil na rin sa mawawalan na ito ng pagkakataong gamitin ang mga isyu sa mga pamayanan upang makahikayat ng suporta at isulong ang kanilang baluktot na idolohiya. Dagdag pa dito, isa lamang umano itong pagpapatunay ng kanilang huwad at mapansariling adhikain kung saan ayaw nito ng kaunlaran at ang mga inosenteng sibilyan ang kanilang kinakasangkapan at binibiktima.  

Kaugnay ng insidente, sinabi rin ng 9ID na mariing kinukondena nito ang mga karahasan at pananakot na isinasagawa ng mga teroristang NPA. Hindi rin umano ito magiging hadlang sa pagtulong at paghatid ng mga kasundaluhan ng mga serbisyo at programa ng gobyerno para sa mamamayan. Kasabay nito, nagbigay rin ng babala ang pamunuan sa mga kumukukop at sumusuporta sa mga terorista na hindi ito mag aalangan ipatupad ang batas sakaling mapatunayang sila ay nakikipagugnayan sa nasabing grupo.