• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Philippine Army - Teroristang NPA, Nagkasagupa sa Sorsogon

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur--- Muling nagkasagupa ang mga sundalo ng 31st Infantry (Charge) Battalion at teroristang New People’s Army sa Sityo Sua, Barangay Caditaan, Magallanes, Sorsogon dakong alas 7:25 ng umaga, Pebrero 26.

Ayon sa ulat na nakarating sa himpilan ng 9th Infantry (Spear) Division, nagsasagawa ng combat operation ang mga sundalo mula sa 31IB nang makasagupa nito ang tinatayang 13 teroristang NPA sa nasabing lugar. Ang operasyon ay isinagawa bilang tugon sa natanggap na sumbong mula sa mga residente hinggil sa presenya ng mga teroristang grupong pinamumunuan ni alyas Cielo na mga kasapi ng KSPN1, Larangan 2, Komiteng Probinsya 3 ng Bicol Regional Party Committee. 

Umabot sa 25 minuto ang naging palitan ng putok ng magkabilang panig kung saan agad namang nagsitakas ang mga terorista. Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang Isang Improvised Explosive Device, dalawang backpack na may lamang personal na kagamitan, 50 metrong kawad, Isang (1) blasting cap, detonating cord, at tatlong (3) cellphone.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang pagtugis ng mga sundalo sa nagsitakas na mga terorista.

Ayon sa pahayag ng 9ID, sinabi nitong magpapatuloy pa rin ang isinasagawa nitong mga operasyon sa mga lugar kung saan mayroong naiuulat ng presensya ng mga teroristang NPA. Aniya, mas lalo pa nitong paiigtingin ang paglulunsad ng mga combat operation alinsunod sa kautusan ng Commander-in-Chief na si Presidente Rodrigo Roa Duterte upang tuluyan nang matuldukan ang problema hinggil sa insurhensya at maisulong ang programang pangkaunlaran sa mga kanayunan.

Nanawagan din ang 9ID sa pamumuno ni Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr sa mga mamamayan na maging mapagmatyag at alerto sa anumang mga kahina-hinalang elemento sa kanilang mga komunidad upang hindi mabiktima ng mga terorista.

Hinikayat din nito ang taong bayan na makipag-ugnayan at magsumbong sa mga awtoridad kung sakaling mayroong banta ang mga teroristang NPA sa kanilang mga komunidad upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.

Sa kabilang dako, sinabi rin ng pinuno ng 9ID na bukas pa rin ang pinto ng kanyang pamunuan sa mga kasapi ng NPA na nagnanais ng sumuko at bumalik na sa normal na pamumuhay. Siniguro rin ng heneral na may nakaabang na programa ang gobyerno sa pamamagitan ng Comprehensive Local Integration Program sa sinumang nagnanais ng magbalik loob sa pamahalaan.