• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Engkwentro ng Philippine Army at NPA, Mga Armas Nakumpiska

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur— Isang engkwentro ang naitala sa pagitan ng mga sundalo at mga teroristang New People’s Army sa Barangay Talisay, San Fernando, Ticao, Masbate dakong alas 6:30 ng umaga, Marso 15.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng 9th Infantry (Spear) Division, nagsasagawa ng combat operation sa lugar ang mga sundalo mula sa 2nd Infantry Battalion nang makasagupa ang mga teroristang NPA sa nasabing lugar dahilan upang magkaroon ng 20 minutong palitan ng putok sa magkabilang panig.

Nakuha sa pinangyarihan ng engkuwentro ang siyam na M16 rifle, isang M653 carbine, isang .30 carbine, limang rifle grenade, apat na bala ng M203 grenade rifle, tatlong cellphone, siyam na backpack, dalawang improvised explosive device, isang laptop, isang solar panel at mga subesibong dokumeto. Sa pagsisiyasat ng mga sundalo nakita rin sa lugar ang ilang bangka na pinaghihinalaang gamit ng mga terorista.

Wala namang naitalang nasugatan sa hanay ng kasundaluhan habang patuloy pa rin ang isinasagawang pursuit operation laban sa nagsitakas ng mga terorista.

Kaugnay ng pangyayari, nagpaabot na ng pagbati si Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr., Commander ng 9ID sa mga sundalo sa ipinakita nilang kabayanihan at tapang upang matagumpay na maisagawa ang operasyon.

Aniya, bunga na rin ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng mga sibilyan na nagpapaabot ng impormasyon hinggil sa galaw at gawain ng teroristang grupo. Isa rin umano itong pagpapatunay na sawa na ang taong bayan sa mga panggugulo at paghasik ng karahasan na kagagawan ng mga terorista sa mga pamayanan.

Nanawagan muli ang pamunuan ng 9ID na bukas pa rin ang pinto ng pamahalaan sa sinumang nagnanais nang magbalik loob at tahakin ang normal na pamumuhay. Sa kabila ng panawagan, mas lalo pang papaigtingin ng 9ID ang pagsasagawa ng operasyon laban sa sinumang patuloy na gumagamit ng dahas upang isulong ang kanilang walang kabuluhang pakikibaka.