• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Philippine Army at NPA Nagkasagupa; Landmine Narekober

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur—Muling nagkasagupa ang mga sundalo at mga teroristang New People’s Army sa Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte dakong alas 5:30 ng umaga, Marso 20.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army nagsasagawa ng combat operation sa lugar ang mga sundalo ng 9th Infantry Battalion nang makasagupa nito ang tinatayang 10 na mga terorista na pansamantalang ginagawang tambayan ang nasabing lugar.

Kaagad naman na nagsitakas ang mga nabanggit na teroristang NPA makaraan ang 20 minutong palitan ng putok, Nakuha naman sa pinangyarihan ng engkuwentro ang isang landmine, walong duyan na pawang may mga bakas ng dugo, tatlong backpack na naglalaman ng personal na kagamitan at isang cellphone. Kaugnay ng nasabing pangyayari, apat na sundalo naman ang naiulat na bahagyang nasugatan habang tinutukoy pa kung ilan naman ang nasawi o nasugatan sa panig ng mga terorista.

Hanggang sa kasalukuyan patuloy pa rin ang isinasagawang pursuit operation ng mga kasundaluhan upang tugisin ang nasabing grupo.

Sa pahayag ng pamunuan ng 9ID, sinabi nitong ang operasyong isinagawa ay parte ng mas pinaigting na kampanya ng Spear Division upang mahadlangan ang pagsasagawa ng anumang karahasan ng teroristang grupo kaugnay ng kanilang nalalapit nitong anibersaryo. Nagpaabot din ng pasasalamat ang 9ID sa mga sibilyang patuloy na nagbibigay impormasyon sa mga kasundaluhan dahilan upang epektibo itong makapagbigay ng mga kaukulang aksyon sa mga ganitong mga pangyayari.

Samantala, muling nanawagan ang Kumander ng 9ID sa lahat ng mga kasapi ng teroristang grupo na ibaba na ang kanilang mga armas at iwan na ang marahas na pakikibaka upang makamit na ang tunay na katahimikan at kaunluran. Sinabi rin nitong ang paggamit dahas ay hindi paraan upang magkaroon ng mga tunay na pagbabago. Hinikayat din nito ang natitirang kasapi ng NPA kunin ang pagkakataong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makapagbagong buhay. Ang programang ito ay hindi lamang magbibigay pinansyal na tulong kundi pati na rin mga pagsasanay at psycho-social support na siyang maghahanda sa kanila sa pagbabalik sa normal na pamumuhay. Binigyan diin ng pinuno ng 9ID na mas magiging produktibo ang sinumang naghahangad ng kapayapaan at kaunlaran kung ito ay makikiisa at makikipagtulungan sa ating pamahalaan.