• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Activation ng Joint Task Force Bicolandia Matagumpay

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur—Naging matagumpay ang ceremonial activation ng Joint Task Force Bicolandia na ginanap sa Legazpi Boulevard, Barangay Dapdap, Legazpi City, alas 9:00 ng umaga, Hunyo 11.

Ang seremonya ay nagsilbing pormal na paglulunsad ng nasabing joint task force bilang isang yunit na siyang mangangasiwa sa pagpapaigting ng kampanya laban sa anumang banta sa seguridad ng rehiyon.

Naging tampok na bisita sa okasyon si Gen. Carlito G. Galvez Jr., Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines. Ito ay dinaluhan din ng iba pang mga bisita na kinabibilangan nina Lt. Gen.Danilo G. Pamonag, Commander ng Southern Luzon Command, Mayor Noel Rosal ng Legazpi City na siya ring kasalukuyang Chairman ng Regional Peace and Order Council, at iba pang mga stakeholders.

Layunin ng JTF Bicolandia na mas lalo pang mapalakas ang ugnayan ng tatlong branch of service ng AFP na nasa Bicol Region partikular na sa isinasagawa nitong Internal Peace and Security Operations upang masugpo ang mga kasapi ng Bicol Regional Party Committee na siyang pangunahing banta sa rehiyon.

Ang JTF Bicolandia ay binubuo ng 9th Infantry Division, Philippine Army bilang land component; Tactical Operations Group 5 ng Philippine Air Force bilang air component; at Naval Task Force 31 ng Philippine Navy bilang naval component. Ito ay pamumunuan ni Maj. Gen. Jesus A Manangquil Jr AFP na siya ring pinuno ng 9ID.

Bukod sa pangunahing misyon ng JTF Bicolandia, inaasahan ding magiging aktibo ito sa pagbibigay suporta sa pagsasagawa ng Humanitarian Assistance and Disaster Response; paglaban sa banta ng terorismo, pagtulong sa pagsugpo sa kriminalidad at iba pang law enforcement operations;  paglulunsad ng mga joint trainings and exercises; at ang pakikipagbayanihan para sa mga programang pangkaunlaran.

Sa kanyang mensahe, sinabi Gen. Galvez na ang pagbuo ng JTF Bicolandia ay isa lamang pagpapatunay sa pagpupursige ng AFP upang mas maisaayos pa nito ang pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Dagdag pa ng heneral, isa din umano itong patunay sa mga isinasagawang hakbangin ng organisasyon upang mapanatili ang kaayosan at katahimikan lalong lalo na sa Timog Luzon.

Kasabay nito, nagpaabot naman din ng pagbati si Gen. Galvez sa mga sundalong nagpamalas ng kani-kanilang mga kakayahan sa isinagawang capability demonstration. Ayon sa heneral sa ipinamalas na galing at husay ng pinag-isang pwersa ng mga sundalo sa pagtugon sa isang sitwasyon ay kampante umano siya na epektibo nitong matutugunan ang anumang banta tulad ng nangyari sa Marawi City.

Samantala, ikinagalak naman ni Mayor Rosal ang activation ng JTF Bicolandia bilang isang hakbangin upang mapangalagaan ang katahimikan sa rehiyon. Aniya, magbubukas ito ng magagandang oportunidad para sa lahat at mas mapapalago pa nito ang ekonomiya, industriya, at turismo na siyang magbibigay ng karagdagang kabuhayan sa mga mamamayan ng Bikol.

Tiniyak naman ni Maj. Gen. Manangquil na gagampanan ng JTF Bicolandia ng buong husay ang mandato at responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga balikat.