• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

25 NPA kabilang na ang Kumander Sumuko sa Militar sa Sorsogon

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur—Boluntaryong sumuko ang 25 kasapi ng teroristang New People’s Army (NPA) sa isinagawang Presentation of Former Rebels kay Maj. Gen. Jesus A. Manangquil AFP, Commander JTF Bicolandia, na ginanap sa himpilan ng Tactical Operations Group (TOG) 5 sa Legazpi City, Hunyo 11.

Ang naturang mga personalidad ay kasapi ng Sub-Regional Yunit Gerilya (SRYG), Komiteng Probinsya (KP)3 sa Sorsogon na pinamumunuan ng sumukong lider na si Jeffrey Benzon alyas Pita. Dala sa kanilang pagsuko ay ang pitong matataas na kalibre ng armas, tatlong .45 pistol at mga bala.

Sa testimonya ni Robinson Huete Jr. alyas Jolly at dating Platoon Leader ng grupo, ang sobrang gutom, pagod, hirap, at pagkakawalay sa pamilya ang pangunahing dahilan ng kanilang pagkalas sa kilusan. Hindi rin umano natupad ng pamunuan ng teroristang grupo ang ipinangako nitong pagbabago sa kanilang estado na siyang nag-udyok sa kanila upang sumama sa armadong pakikibaka.

Malaking pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga dating rebelde dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makapagbagong buhay at makapiling ng matiwasay ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay. Sila din aniya ang sasalamin upang mahikayat ang iba pa nilang kasamahan sa kilusan na ibaba ang kanilang mga armas at makipagtulungan sa pamahalaan.

Wala rin umanong saysay at katuturan ang ginagawa nilang pakikipaglaban sa pamahalaan na siyang naging dahilan upang masayang at masira ang kanilang buhay.

Tiniyak naman ni Maj. Gen. Manangquil na makakatanggap ng kaukulang tulong ang mga sumukong NPA sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) at iba pang mga livelihood assistance program na magagamit ng mga ito sa kanilang pagbabagong buhay. Ang mga isinuko nilang armas ay may karampatan din umano na halaga sa ilalim ng programa ng pamahalaan.

Kaugnay nito, ang Provincial Government ng Sorsogon ay may ibibigay din umanong tulong para sa mga dating rebelde. Ayon kay Atty. Renato P. Olbes, Provincial Administrator at kinatawan ni Governor Robert L. Rodrigueza, mayroon umanong inilaang pundo ang kanilang lalawigan para sa mga sumukong rebelde.

Sa tala ng 9th Infantry Division, umabot na umano sa 83 ang numero ng mga sumukong kasapi at taga suporta ng NPA sa buong rehiyon. Ito ay resulta uano ng masidhing adhikain ng pamunuan ng 9ID na masolusyonan ang insurhensiya sa Bikol sa mapayapang pamamaraan.

Muling nanawagan ang Kumander ng 9ID sa lahat ng mga kasapi ng teroristang grupo na ibaba na ang kanilang mga armas at iwan na ang marahas na pakikibaka upang makamit na ang tunay na katahimikan at kaunluran. Sinabi rin nitong ang paggamit ng dahas ay hindi paraan upang magkaroon ng mga tunay na pagbabago. Hinikayat din nito ang natitirang kasapi ng NPA na kunin ang pagkakataong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makapagbagong buhay.