• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Armas at Kagamitang Pandigma, Nakumpiska sa Engkwentro sa Camarines Sur

 

 

CAMP ELIAS ANGLES San Jose, Pili, Camarines Sur –  Tatlong mataas na kalibre ng armas at iba pang mga kagamitan ng mga Teroristang New People’s Army (NPA) ang nakumpiska sa isang engkwentrong naganap sa Barangay Cabadisan, Ragay, Camarines Sur dakong alas 5:00 ng madaling araw, Hunyo 12.

Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Joint Task Force Bicolandia  nagsasagawa ng security operation ang pinagsanib na pwersa ng 9th Infantry Battalion at 22nd Infantry Battalion nang makasagupa ang tinatayang walong teroristang NPA na kasapi ng Larangan 2, Komiteng Probinsya 1 ng Bicol Regional Party Committee.

Umabot ng limang minuto ang sagupaan kung saan agad namang nagsitakas ang mga terorista. Wala namang naiulat na nasugatan sa magkabilang panig habang nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang mga sumusunod; isang M16 rifle, isang M14 rifle, dalawang Improvised Explosive Device (ED), 200 metro ng electrical wires, limang blasting cap, limang cellphones, mga bala, dalawang back packs na naglalaman ng personal na kagamitan at mga subersibong dokumento.

Samantala, habang nagsasagawa ng pursuit operation ang mga sundalo napansin nito ang isang kahinahinalang taong papatakas mula sa isang bahay. Agad na nagsagawa ng pagsisiyasat ang mga sundalo at nakuha sa nasabing bahay ang isa pang M16 with M203 grenade launcher.

Tiniyak naman ng pamunuan ng 9ID na magpapatuloy ang pinaigting na mga operasyon laban sa mga teroristang NPA kasunod na rin ng binuong Joint Task Force Bicolandia na ang pangunahing misyon ay supilin ang Bicol Regional Party Committee.

Muling nanawagan ang Kumander ng JTF Bicolandia na si Maj. Gen. Jesus A Manangquil Jr sa lahat ng mga kasapi ng teroristang grupo na ibaba na ang kanilang mga armas at iwan na ang marahas na pakikibaka upang makamit na ang tunay na katahimikan at kaunluran. Sinabi rin nitong ang paggamit ng dahas ay hindi paraan upang magkaroon ng mga tunay na pagbabago. Hinikayat din nito ang natitirang kasapi ng NPA na kunin ang pagkakataong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makapagbagong buhay.

Ang programang ito ay hindi lamang magbibigay ng pinansyal na tulong kundi pati na rin mga pagsasanay at psycho-social support na siyang maghahanda sa kanila sa pagbabalik sa normal na pamumuhay. Binigyan diin din ng pinuno ng JTF Bicolandia na mas magiging produktibo ang sinumang naghahangad ng kapayapaan at kaunlaran kung ito ay makikiisa at makikipagtulungan sa ating pamahalaan.