• slider1.png
  • slider2.png
  • slider3.png
  • slider4.png
  • slider5.png
  • slider6.png
  • slider7.png
  • slider8.png

Philippine Army at Teroristang NPA Nagka-engkwentro sa Masbate; 1 armas narekober

 

 

CAMP ELIAS ANGELES, San Jose, Pili, Camarines Sur - Muling nagkaengkwentro ang mga sundalo at mga teroristang New People’s Army sa Barangay Bagacay, San Jacinto, Masbate dakong alas 6:30 ng umaga, Hunyo 13.

Ayon sa ulat, nagsasagawa ng security operation sa lugar ang mga sundalo mula sa 2nd Infantry Battalion nang makasagupa nito ang tatlong teroristang NPA na nagresulta sa pagkakasamsam ng isang M635 rifle (baby armalite), mga bala, isang detonating switch ng IED, battery, at mga subersibong dokumento.

Tinatayang umabot sa dalawang minuto ang nasabing sagupaan kung saan agad namang  nagsitakas ang mga terorista. Walang naiulat na nasugatan o nasaktan sa nasabing insidente habang patuloy pa rin ang isinasagawang pursuit operation ng mga sundalo upang tugisin ang mga salarin.

Ito na ang pangalawang engkwentro na naitala dalawang araw mula nang ilunsad ang Joint Task Force Bicolandia na may layuning supilin ang mga kasapi ng Bicol Regional Party Committee na patuloy pa rin na nagbabanta sa seguridad ng rehiyong Bicol. Matatandaan, isang engkuwentro ang naiulat sa Ragay Camarines Sur kasabay ang pagdiriwang ng araw ng kalayaan.

Tiniyak ng Joint Task Force Bicolandia sa pamumuno ni Maj. Gen. Jesus A. Manangquil Jr. na magpapatuloy ang pinaigting na mga operasyon laban sa teroristang grupo.

Patuloy pa rin na nananawagan ang JTF Bicolandia sa mga natitirang miyembro ng NPA na ibaba na ang armas at iwan na ang marahas na pakikibaka. Ani ni Maj. Gen. Manangquil, hindi ang karahasan ang magbibigay ng tunay na solusyon sa kinahaharap nating mga suliranin kundi ang pagkakaisa at pagtutulungan. Sinabi rin ng heneral na bukas ang kanyang pamunuan na tumulong sa sinumang nagnanais ng sumuko at magbalik loob sa pamahalaan.

Kasabay ng panawagan, sinabi rin ng pinuno na may nakalaang programa ang pamahalaan sa mga miyembro ng NPA pati na rin sa kanilang mga pamilya upang tuluyan na itong makapag bagong buhay sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Hindi lamang pinansyal na tulong ang makakamtan ng mga benepisyaryo kundi pati na rin ang mga pagsasanay na siyang huhubog sa kanila para sa mga nakaabang na programang pangkabuhayan. Dagdag pa dito, kasama rin sa ECLIP ang mga psycho-social support program na siyang tutulong sa mga dating rebelde na mahilom ang kanilang mapait na nakaraan.